Mistulang masamang panaginip…
Ang mga alaalang ubod-pait ay bigla nalang bumalong na parang bukal na di natutuyuan ng tubig.
Ano’ng nangyari? Ilang taon na nga ba ang lumipas?
Bakit ngayon, sa loob ng apat na sulok ng aking silid, ay nalasahan kong muli ang mapaklang mga katotohanan na akala ko’y naibaon ko na sa limot?
Nakayayamot.
Dahil hindi pa pala…
Alas-dos ng madaling araw ngayon, at nakaramdam ako ng hapdi.
Isa-isang sumulpot sa aking isipan ang mga pangyayaring yaon, tatlong taon mahigit na ang nakararaan.
Yaong pinagdaanan kong hirap. Grabe. Natagpos ko iyon? Salamat na lamang sa Diyos.
Nung mga panahong iyon, di ko lubos maisip kung kailan hihinto ang bangungot ko habang gising.
Mahaba-haba na rin naman ang ipinagpahinga ng masasamang panaginip. Ilang daang araw na rin ang nagsalitan mula sa liwanag patungong dilim, at liwanag muli.
Nakalimot na ako sa aking pagkakaalam.
Maliban ngayon…
Maaaring hindi na ganun kasakit.
Ngunit mahapdi pa rin.
Naramdaman kong muli na tila ba napunit ang aking dibdib. Sinabi ko na ngang mahapdi, hindi ba?
Parang sugat na nabudburan ng iilang piraso lamang ng asin.
Parang gusto mong biglang buhusan ng tubig upang mahugasan. Upang mapawi na ang hapdi.
Isa lang ang sagot.
Huwag na muling mag-isip.
Muling humukay ng mas malalim ng kaunti, para muling ibaon sa limot ang sakit na nanggaling sa kahapon.
Matagal na nga. Ilang oras at buwan na nga ang lumipas.
Ilang pilas na rin ng kalendaryo ang naganap.
Ngunit…
May hapdi pa rin…
At ayaw ko na nito.
Bangungot? Katotohanan?
Lubayan mo na muna ako at ayaw kitang maramdaman…